• April 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VP Sara, binatikos ang pahayag ng isang envoy na bukas ang Pinas sa produksyon ng ammunition

BINATIKOS ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na bukas ang Pilipinas sa plano ng Estados Unidos na magtayo ng ammunition production facility sa bansa, bilang bahagi ng pinalalakas na ugnayan sa larangan ng depensa at ekonomiya.

Binigyang diin ni VP Sara na ang hakbang ay magpapahina sa ‘independent foreign policy ng Pilipinas.

“Ang nakalagay sa ating Saligang Batas, na meron tayong dapat independent foreign policy. Kung ‘yung ginagawa ng gobyerno ay kumikiling sa isang bansa lang, ibig sabihin no’n, wala na tayong true independent policy,” ang naging pahayag ni VP Sara.

“So, dapat hindi lang ako ‘yung kumukontra, lahat tayong mga Pilipino kumukontra sa plano na ito dahil ang ating mga galaw ay dapat for the interest of our country. Hindi para sa interest ng ibang mga bansa,” aniya pa rin.

Sa ulat, sinabi ni Romualdez na aprubado na ng US Congress ang probisyon sa kanilang National Defense Authorization Act na nagpapahintulot sa pagtatayo ng pasilidad ng armas sa Pilipinas na maaaring itayo sa Subic, Zambales.

Tinututukan na anya ng pamahalaan ang mga preparasyon, lalo’t may mga lokal na kumpanya na raw na nagpapakita ng interes na makibahagi sa posibleng consortium para sa naturang proyekto.

Bagama’t wala pang pormal na negosasyon, sinabi ni Romualdez na nakikita nilang makatutulong ito sa pagpapalakas ng kakayahang pangdepensa ng bansa at makakalikha rin ng dagdag na trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.

Matatandaang, sinabi ni Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na hindi pa nakakarating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang nasabing panukala, kaya wala pang tugon ang Pangulo ukol dito.

(Daris Jose)