Villanueva, Estrada, Co at 3 pa pinakakasuhan ng ICI
- Published on October 31, 2025
- by @peoplesbalita
INIREKOMENDA na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga senador at mga opisyal na isinasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni ICI Chairman Andres Reyes Jr. na kabilang sa mga pinakakasuhan ay sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, nagbitiw na congressman Zaldy Co, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, dating cong. Mitch Cajayon-Uy, at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon kay Reyes, inirekomenda ng komisyon na masampahan ng mga kasong direct o indirect bribery, corruption of public officers, at plunder charges ang mga naturang personalidad sa Office of the Ombudsman dahil sa posibleng pagkakasangkot sa pagtanggap ng suhol o unwarranted monetary benefits mula sa flood control project contractors.
“With this filing we remain true to our commitment to the Filipino people. No one will be spared in this fight against corruption,” dagdag pa ni Reyes.
Sinabi pa ng ICI na nabunyag din sa mga pahayag ng mga dismissed engineers ang umano’y sistematikong kickback scheme, kung saan ang mga mambabatas ay umaakto bilang project proponents at nagsisingit ng flood control projects sa National Expenditure Program, House General Appropriations Bill, at General Appropriations Act, kapalit ng komisyon na nasa 20% hanggang 30% ng halaga ng proyekto. ( Daris Jose)