Victolero, Magnolia sa Enero uli kakahig
- Published on December 29, 2020
- by @peoplesbalita
NAKAHANDA na ang mga balak ni Ercito ‘Chito’ Victolero para sa kanyang Magnolia Hotshots para sa 46th Philippine Basketball Association (PBA 2021) Philippine Cup na magbubukas sa darating na Abril 9.
“Plano, second week of January baka balik-training na kami,” bulalas ng Pambansang Manok coach nitong Lunes.
Inaabangan na lang ng koponan na lang ang pasabi ng propesyonal na liga sa set-up ng susunod na season, na pagpipilian sa bubble at closed-circuit.
Ipinahayag ni commissioner Wilfrido Marcial na posibleng umpisahan ang susunod na calendar year ng liga sa closed-circuit. Pero depende pa rin ito sa magiging pasya ng Board of Governors.
“Hindi ko pa kasi alam ang protocols ng PBA, eh. Kung papayag ba sila sa dating ginawa na apat-apat muna,” hirit ni Victolero.
Pero kundi aniya papayagan ang agad-agad na on-court workout, sa Zoom muna nila uumpisahan ang pagpapakondisyon ng mga katawan.
“Siguro by first week ng January mag-ask kami sa PBA kung ano p’wedeng gawin,” panapos niya. “You have to be ready, lalo na kung mangyari ulit ‘yun (bubble) na individually you need to prepare. Importante ‘yung preparation.”
Balentuang sa tatlo sa unang apat na laro sa AUF Gym sa Pampanga ang Hotshots, nang bumalik ang porma, tumuhog ng six straight wins at humabol sa quarterfinals bilang No. 7 seed.
Sininipa nga lang agad ng No. 2 Phoenix sa manipis na 89-88 decision at natapos ang kampanya sa 45th PBA 2020 PH Cup.
Isang komperensya lang ang liga sa taong ito dahil sa Covid-19. (REC)