VCM ng Smartmatic ‘di na gagamitin ng Comelec
- Published on May 11, 2022
- by @peoplesbalita
HINDI NA gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga vote counting machines (VCMs) ng Smartmatic sa mga susunod na eleksyon makaraan ang kabi-kabilang ulat ng pagkasira o pagloloko ng mga ito sa iba’t ibang polling precincts sa bansa.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na ngayong May 9, 2022 national and local elections na ang huling beses na gagamitin nila ang mga nasabing makina. Mga luma na rin naman umano ang mga naturang VCM na unang ginamit noon pang 2010 elections pa.
Kabilang sa mga naturang problema ay pagkakaroon ng paper jam na may 940 kaso, pag-reject ng mga balota na nasa 606 kaso, problema sa VCM scanner na nasa 158 kaso, ayaw mag-imprentang VCM printer na nasa 87 kaso, at VCM na hindi maayos na nag-iimprenta na nasa 76 kaso naman. Una ring kinumpirma ng Comelec na nakatanggap sila ng ulat na 1,867 VCMs ang nagkaproblema sa pagdaraos ng halalan nitong Lunes.
Bukod sa mga problema sa VCM, may mga ulat din ng kawalan ng kuryente sa mga ‘polling centers’. Kabilang dito ang nangyari sa Sangonsongan, Marawi kung saan boboto ang mga nawalan ng tirahan dahil sa 2017 Marawi Seige. Naantala ang botohan sa naturang lugar at nag-umpisa lamang matapos ang isang oras na paghihintay.
Sinabi ni Casquejo na hihilingin nila sa Kongreso na mabigyan ang poll body ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga bagong makina para sa susunod na eleksiyon sa bansa.