• January 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Valenzuela police, napigilan ang tangkang pagpapakamatay ng welder

NAPIGILAN ng pulisya ang bantang pagpapakamatay ng 48-anyos na welder gamit ang isang patalim nang matagumpay na makumbinsi ng mga ito sa Valenzuela City.
Sa ulat, humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang engineer ng isang construction site nang malaman nito na isa sa kanilang trabahador na si alyas “Jem”, 48, ang nagbantang magpakamatay gamit ang isang patalim sa loob ng barracks sa isang ginagawang gusali sa Parada Elementary School, Brgy. Parada.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS1, Special Reaction Unit (SRU), Valenzuela City Rescue Team, at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), kasama si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nagsilbing negosyador.
Noong una ay nagmatigas pa si ‘Jem’ at sinabing wala ng makakapigil sa kanyang plano subalit, sa patuloy na paghimok ng opisyal at sa pangakong handa silang tulungang malagpasan ng lalaki ang dinaranas na depresyon, nabuksan ang isip ng welder hanggang isuko sa pulisya ang hawak na patalim.
Matapos nito, dinala si ‘Jem’ sa Valenzuela City Social Welfare and Development (CSWD) Office para sa tamang pagpapayo at interbensyon, upang matiyak ang kanyang kaligtasan at kagalingan.
Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchailan ang Valenzuela CPS sa matagumpay na pagkakaligtas ng mga ito ng buhay at tiniyak nito ang patuloy na suporta at pangako ng Pamahalaang Lungsod sa kaligtasan ng publiko at rescue efforts. (Richard Mesa)