• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 3:40 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Valenzuela LGU, nag-turnover ng 33 bagong rescue boats at 2 water filtration truck

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-27 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Valenzuela, ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, ay nag-turnover ng 33 fiber-made rescue boats—isa sa bawat barangay—upang palakasin ang rescue response ng lungsod sa panahon ng bagyo at baha.

Sinisiguro nito na ang bawat barangay sa Valenzuela ay handa sa tuwing may malaking pagbaha habang nakatanggap naman ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) ng dalawang mobile water filtration truck na magbigay ng ligtas na inuming tubig sa mga apektadong lugar sa panahon ng kalamidad.

Ang bawat fiber rescue boats ay mayroong dalawang paddle at dalawang life jacket na piniling matibay na paglaban at maaasahan para matiyak ang mas ligtas na operasyon sa panahon ng emergencies at magsisilbi sa komunidad sa maraming darating na taon.

Ang mga mobile water filtration truck ay kayang kumarga ng hanggang 1,000 litro ng malinis na tubig na maiinom sa mga evacuees sa panahon ng bagyo at baha kung saan ide-deploy ang mga ito sa mga evacuation center at mga komunidad na nakararanas ng kakulangan sa tubig. Samantala, dalawang mobile shower unit na para sa bawat distrito, ay ipapakalat upang mag-supply ng malinis na tubig sa mga komunidad.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor WES ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga krisis. “Ipanalangin po natin na sana ay hindi natin magamit ang mga ito (rescue boats). Gayunpaman, kung sakali mang magkaroon pong muli ng matinding bagyo ay handa na rin tayo, kahit papaano. Ito pong 33 fiber glass boats ang pinaka gamit na gamit sa tuwing may rescue operations po ang mga barangay po sa ating lugar.” pahayag niya. (Richard Mesa)