Valenzuela, inilunsad ang “Trash to Cashback: May Balik sa Basura” Program PARA hikayatin ang mga Valenzuelano sa wastong pamamahala ng basura at pagtataguyod ng kamalayan at pananagutan sa kapaligiran, nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa Basic Environmental Systems & Technologies, Inc. (BEST) sa paglulunsad ng “Trash to Cashback: Valenzuela City’s May Balik sa Basura” Program na ginanap sa Disiplina Village Bignay.
- Published on November 20, 2025
- by @peoplesbalita
Bilang isa sa mga highly urbanized na lungsod sa Metro Manila, ang mabilis na paglaki ng populasyon ng Valenzuela ay katumbas ng pagtaas ng waste generation. Habang ang lokal na pamahalaan ay aktibong nagpapakalat ng mga dump truck upang araw araw mangolekta ng basura, napansin na ang isang bahagi nito ay maaaring i-recycle.
Ang pamahalaang lungsod ay naghanap ng solusyon para isulong ang pag-uugali sa pag-recycle sa mga Valenzuelano, simula sa kanilang sariling mga tahanan, sa pamamagitan ng pagbibigay-insentibo at pag-convert ng mga recyclable sa monetary o redeemable rewards.
Dahil dito, nakipagtulungan ang lungsod sa BEST na siyang nagsusulong ng “Trash to Cashback: May Balik sa Basura” Program na naglalayong gumamit ng reward-based system upang hikayatin ang mga Valenzuelano sa wastong paghihiwalay at pag-recycle ng basura.
Ang mga recyclable gaya ng single-use na plastic, metal, papel, salamin, at electronic na basura ay may katumbas na Environmental Points na maaaring i-convert sa mga redeemable reward
Ang Trash to Cashback Program ay hindi lamang nagtataguyod ng pag-uugaling responsable sa kapaligiran, nag-aalok din ng pagkakataong kumita. Para maipalaganap ang kamalayan sa mga benepisyo ng Trash to Cashback na initiative, sisimulan ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng programa sa mga komunidad na highly condensed tulad ng Disiplina Villages.
Upang matiyak ang tagumpay ng programang Trash to Cashback, lumagda ang pamahalaang lungsod sa isang Memorandum of Agreement sa BEST para patatagin ang kanilang partnership. Nakipagtulungan din ang lungsod sa mga pribadong organisasyon tulad ng RMC Enviro, Envirocycle, at River Recycle, na nag-alok din ng suporta sa mga inisyatiba sa kapaligiran ng lungsod.
Ang River Recycle ay nangako ng mga basurahan gawa sa mga recycled na materyales, ang Envirocycle ay nagbigay ng “E-bins” para sa electronic waste, at ang RMC Enviro Enterprises ay nagkaloob ng cash payments para sa mga residente na nangongolekta ng used cooking oil.
Sa paglulunsad, nasaksihan ng mga Valenzuelano ang unang seremonyal na transaksyon sa pamamagitan ng Trash to Cashback program, kung saan ang mga nakolektang recyclable ay ginawang redeemable points.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor WES Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng disiplina at pagsasabuhay ng kultura ng paghihiwalay ng basura sa tulong ng Trash to Cashback Program.
“Simula pa lamang ito. Ang panalangin ko po ay sana kumalat pa ito [Trash to Cashback Program] sa 33 barangays; at higit sa lahat, ay ‘yung kultura po [ng pag-segregate],” ani Mayor Wes.
(Richard Mesa)