Valentine message ni Castro kay VP Sara: magpalaganap ng pagmamahal, hindi ng “fake news”
- Published on February 16, 2026
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Vice-President Sara Duterte na “spread love, not fake news.”
“At ang aking message, Valentine message sa kanya, VP Sara, spread love, not fake news, not immorality. Don’t be a chucky,” ang sinabi ni Castro nang hingan ng mensahe para kay VP Sara sa gitna ng bagong ‘word war’ sa pagitan ng dalawa.
Nag-ugat ang pahayag na ito ni Castro nang bigyang-diin ni VP Sara sa publiko na nagdadala ng kahihiyan sa bansa ang una.
“Sinasabi ko na nga na paulit-ulit na ano, na si Claire Castro, nagdadala ‘yan ng kahihiyan sa ating bayan dahil tinawag siya na Spokesperson ng Office of the President,” ayon kay VP Sara.
Paliwanag ni VP Sara na hindi lang kasi ang mga Filipino ang nakikinig sa mga sinasabi ni Castro bilang spokesperson ng OP, kundi naririnig din daw ng buong mundo ang mga pahayag nito.
Kaya nga aniya ay hindi na dapat na pakinggan at pansinin si Castro.
Ang resbak naman ni Castro, ang mga sinasabi ni VP Sara ay malinaw na “smears, insinuations, at immorality.”
“So, ganito po bang lider tulad ni VP Sara ang dapat nating hangaan at dapat nating ilagay sa pedestal. Ang anumang salitang nanggagaling sa kanya ay puro paninira, puro insinuation, puro ka-imoralidad,” aniya pa rin.
At sa mga ganitong sitwasyon aniya, hinihiling niya sa mga kaalyado ni VP Sara na nagmamarunong sa komunikasyon at mga propagandista na mangyaring turuan si VP Sara sa kanyang komunikasyon.
“Bigyan po ninyo ng Comms 101, para magkaroon naman ng kaunting or rather katiting na pagkaka-statesman,” diing pahayag ni Castro.
Samantala, naniniwala naman si Castro na dapat na maging maingat ang bansa kung ang ihahalal ng mga mamamayang pinoy ay isang Manchurian candidate.
“Ang kanyang sabi ay malamang wala nang maging bansa or Pilipinas sa 2028. Kung ang kanyang hula ay magkakatotoo, malamang mangyayari iyan kung ang isang lider na iboboto sa 2028 ay isang Manchurian candidate, isang puppet ng isang bansa kung saan maaaring ipamigay ang ating yaman, ang ating karapatan sa ibang bansa,” ang pahayag ni Castro.
( Daris Jose)