Valdez hindi pa magreretiro
- Published on March 11, 2025
- by Peoples Balita
Wala pa sa isip ni volleyball superstar Alyssa Valdez ang magretiro dahil nakabalik na ang perpektong kundisyon nito para sa mga susunod na laban na haharapin nito.Hindi maikakaila na si Valdez na tinaguriang The Phenom of Philippine volleyball, ang isa sa dahilan upang mas lalo pang umangat ang volleyball sa bansa.
Makailang ulit itong humakot ng kampeonato sa collegiate level maging sa professional volleyball kasama pa ang kaliwa’t kanang MVP trophies at individual awards.
Kaya naman mahal ito ng volleyball community.
Ngunit noong nakaraang taon, halos hindi nasilayan sa aksyon sa buong season si Valdez matapos magtamo ng injury.
Madalas lamang itong nakikita sa bench ng Creamline Cool Smashers sa PVL dahil nasa estado ito ng rehabilitasyon. Hindi nilinaw ni Valdez kung ano ang eksaktong injury na tinamo nito.
Ibinahagi lamang nito na sumailalim ang veteran outside hitter sa isang procedure na nangangailangan ng sapat na pahinga upang tuluyang gumaling ang kanyang injury.
At sa taong ito, muling nagbalik sa court si Valdez kung saan nakapaglaro na ito para sa Cool Smashers na nasa q’finals ng PVL All-Filipino Conference.