• March 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Utos ni PBBM na gawing simpleng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa ahensya ng gobyerno, suportado ni Abalos

NANAWAGAN si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ng buong suporta sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag magdaos ng magarbong pagdiriwang ng Pasko sa mga ahensya ng gobyerno at sa halip ay ituon ang mga pampublikong pondo para sa kapakanan ng mga Pilipino.

 

 

 

Ayon kay Abalos, dating Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), dapat maging sensitibo ang mga opisyal ng pamahalaan sa kalagayan ng maraming Pilipino na patuloy na naghihirap dulot ng sunud-sunod na bagyong tumama sa bansa.

 

“Tayo ngayon ay humaharap sa napakatinding mga pagsubok, mula sa kahirapan hanggang sa sunod-sunod na kalamidad. Kaya naman ang pondo ng gobyerno ay dapat nating ituon sa pagtulong sa mga nangangailangan imbes na sa pagdaraos nang mararangyang selebrasyon sa parating na Kapaskuhan,” ani Abalos.

 

Kamakailan ay nanawagan si Pangulong Marcos sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na gawing simple ang kanilang mga pagdiriwang ng Pasko bilang pakikiisa sa mga biktima ng nagdaang bagyo.

 

Sumang-ayon si Abalos sa panawagan ng Pangulo, at sinabi niyang dapat ipakita ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang kababaang-loob at disiplina sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng maraming Pilipino.

 

“President Marcos’ directive is a timely reminder that we must prioritize the needs of the people over extravagance and show fiscal discipline in our actions.” dagdag pa niya.

 

Sa nakalipas na buwan, aktibong tumutulong si Abalos sa mga biktima ng bagyo.

 

Sa halip na magdaos ng engrandeng pagdiriwang ng Pasko, iminungkahi ni Abalos na maaaring mag-donate ang mga opisyal ng gobyerno ng anumang halaga upang makatulong sa mga nawalan ng mahal sa buhay, tirahan, at kabuhayan dahil sa mga nagdaang sakuna.

 

“The spirit of Christmas is about humility, compassion, and service to others. As public servants, we must set the right example and ensure that our resources are used for the greater good of the people, particularly in these challenging times,” aniya. (PAUL JOHN REYES)