Utol ni Percy Lapid kumbinsidong hindi ‘fall guy’ si Escorial
- Published on October 21, 2022
- by @peoplesbalita
KUMBINSIDO si Roy Mabasa, kapatid ni Percy Lapid na hindi fall guy si Joel Escorial at ito mismo ang bumaril at nakapatay sa kanyang kapatid noong Oktubre 3 sa Las Piñas.
Sa kanyang pagsama sa ginawang walk through sa crime scene ng pulisya, sinabi ni Mabasa na nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap at kuwestiyunin si Escorial at mapalitaw kung nagsasabi ito ng totoo.
Ayon kay Mabasa, kumbinsido siyang nagsasabi ng totoo si Escorial dahil sa mga mahahalagang impormasyon, pagpaplano at detalye ng pagpaslang sa kanyang kapatid.
“On the basis of what he (Escorial) said, I believe in this suspect. I believe the statements he made because the specific details he discussed are really important,” ani Mabasa.
Aminado si Mabasa na una siyang nagduda na posibleng fall guy si Escorial. Ito rin ang mga espekulasyon ng mga netizens.
Sa walkthrough din niya nalaman na nagpagupit ito bago sumuko.
Una nang sinabi ni Escorial na ang kanyang pagsuko ay bunsod ng takot na patayin at ang matinding konsensiya.
Dito na binanggit ni Escorial kay Mabasa na kinontak sila ng ‘middleman’ upang magtungo sa ‘safehouse’. Para kay Escorial ang ‘safehouse’ ay nangangahulugang pagpatay sa kanila kaya nagpasya na siyang sumuko.
Aniya, ang mahalaga sa ngayon ay matiyak ang kaligtasan ni Escorial na sumuko at handang tumulong sa pagresolba sa pagpatay sa kanyang kapatid.
Tiniyak naman ni Mabasa na hindi kilala ni Escorial kung sino ang nagpapatay sa kanyang kapatid dahil ang middleman lamang na nasa New Bilibid Prisons ang kumontak sa kanya. Sinabi ni Escorial na binayaran silang lima ng P550,000 para sa pagtumba kay Lapid. Nasa P140,000 ang kanyang nakuha.
Nanawagan din si Mabasa sa pulisya na tiyakin ang kaligtasan ng ‘middleman’ dahil ito ang posibleng nakakakilala sa masternmind.
Ibinunyag na rin ni Escorial ang tatlo pa niyang nakasama na kinabibilangan nina Edmund at Israel Dimaculangan at isang nagngagalang Orly.
Samantala, sinampahan na ng kasong murder ang suspek na si Escorial at tatlo nitong kasabwat sa Department of Justice (DOJ) kahapon.
Personal na nagtungo kahapon sa DOJ si Mabasa para sa pagsasampa ng kaso laban kay Escorial at tatlong iba pa na sina Israel Dimaculangan, Edmon Dimaculangan, at isang alyas Orly/Orlando.
Kasama ni Mabasa ang mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detective Group sa pangunguna ni Police LtCol. Joel Manual Ana, bilang complainant din sa kaso.
Sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na isinagawa ang ‘inquest proceeding’ nitong Martes ng gabi at posibleng mailabas ang resolusyon ngayong Huwebes. (Daris Jose)