‘Unmodified opinion” report ng COA, hindi nangangahulugan ng tamang paggasta sa pondo ng OVP – Malakanyang
- Published on July 14, 2025
- by @peoplesbalita
NILINAW ng Malakanyang na ang ibinigay na “unmodified opinion audit rating” ng Commission on Audit (COA) ay hindi nangangahulugan na ginasta ng Office of the Vice President (OVP) ng tama ang pondo nito.
“Liwanagin po natin ang unmodified opinion na ibinibigay po ng COA para po hindi masyadong maguluhan ang ordinaryong Pilipino,” ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Kapag sinabi po kasing unmodified opinion, it pertains only to the financial statement presentation. So, ibig sabihin, sumunod lang po sa financial reporting framework, kumbaga iyong format. Kung ano ‘yung laman, nagbalanse,” aniya pa rin.
Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos na makatanggap ang OVP ng “unmodified opinion” mula sa COA para sa fiscal year 2024.
Ang unmodified opinion, tinatawag din na “unqualified opinion,” ay ipinalabas kapag ang COA auditor ay nagpahayag na ang financial statements ay “prepared, in all material respects, by the applicable financial reporting framework.”
Base sa pahayag ng COA “the accompanying financial assessments present fairly, in all material respects, the financial position of OVP as of Dec. 31, 2024.”
Gayunman, nilinaw ng COA, na ang unmodified opinion ay “does not necessarily mean there were no misstatements found during the audit, nor there were no uncorrected misstatements as at year-end.”
Winika ni Castro na ang right reporting ng OVP sa ginamit nitong pondo para sa 2024 ay hindi nangangahulugan ng tamang paggasta.
“Hindi po ito nagpapatunay na walang anomalya. Iba po ‘yung tama ang pag-report at iba ‘yung tama ang paggamit ng pondo,” anito sabay sabing ang COA opinion ay hindi ukol sa “compliance and performance audit.” (Daris Jose)