• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:09 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Uniformed personnel at mahihirap na pamilyang Filipino, prayoridad na mabigyan ng Covid- 19 vaccine

TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang mga uniformed personnel at mahihirap na pamilyang Filipino  ang prayoridad na  mabigyan ng  COVID-19 vaccine.

 

“Ang mauuna ‘yung mga taong nasa listahan ng mga gobyerno na tumatanggap ng Pantawid. Ito ‘yung mga mahirap,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang public address.

 

Ang mahirap na pamilyang Filipino ani Pangulong Duterte ay iyong nabibilang o nasa listahan ng    Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 

Ang susunod aniya sa 4P beneficiaries ay mahihirap na pamilyang Filipino na wala sa listahan ng nasabing programa.

 

Magkagayonman, binigyang diin ng Punong Ehekutibo na bago ang mga ito ay mauuna munang bigyan ng bakuna ang mga  uniformed personnel.

 

“Pero mauna sa lahat ang mga military pati pulis kasi kung walang pulis pati military, babagsak tayo. Sinong magguwardiya sa atin?” ayon kay Pangulong Duterte.

 

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na ipatutupad ng  military  ang free vaccine program laban sa  COVID-19.

Wala namang problema kay Pangulong Duterte kung mauna man siya o huling mabigyan ng bakuna.

 

“At ‘yung mga taga-gobyerno, kung gusto ninyo ako ang mauna para magkaroon kayo ng kumpiyansa o I can be the last Filipino to get, unahin kayo lahat,” aniya pa rin.

 

“Mahuli kami, basta sigurado ang pinag-uusapan dito na hindi mahuli ang mga mahihirap,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

 

Muli ay tiniyak ni Pangulong Duterte sa publiko na ang vaccine ay malapit nang dumating.

 

Inaasahan niya na makatatanggap siya ng suplay ng vaccine mula sa  China at Russia.

 

Noong nakaraang linggo ay sinabi ng  Food and Drug Administration na hindi pa nito natatanggap ang kahit na anumang aplikasyon para simulan ang  clinical trial para sa COVID-19 vaccines. (Daris Jose)