• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Unang Yakap Act of 2025, inihain ni Cavite  Rep. Lani Mercado-Revilla

UPANG mailigtas ang libu-libong sanggol sa pamamagitan ng tamang pangangalaga pagkatapos ng panganganak, naghain si Cavite  Rep. Lani Mercado-Revilla ng House Bill No. 2335 o ang “Unang Yakap Act of 2025.”
Layon nitong maipatupad ang Essential Intrapartum and Newborn Care (EINC) protocol ng Department of Health (DOH) sa lahat ng pasilidad pangkalusugan sa buong bansa.
Batay sa datos ng UNICEF, 22 sa bawat 1,000 na mga sanggol na ipinapanganak nang buhay sa Pilipinas ay hindi nakakaligtas.
Ipinapakita ng nakababahalang bilang na ito ang pangangailangang ipatupad ang Unang Yakap protocol.
Inilunsad ng DOH noong 2009 at suportado ng World Health Organization at UNICEF, ang Unang Yakap protocol ay simple at mabisang mga hakbang na napatunayang nakakapagligtas ng buhay ng mga bagong silang na sanggol.
Kasama sa protocol ang immediate drying ng sanggol, skin-to-skin contact, tamang oras ng cord clamping, at pagsisimula ng breastfeeding sa loob ng unang oras.
Bukod sa proteksiyon laban sa impeksiyon, nakatutulong din ito sa pagpapanatili ng tamang temperatura ng katawan at pagtatag ng matagumpay na breastfeeding.
Sa kabila ng mga napatunayang benepisyo, nananatiling optional ang pagpapatupad ng Unang Yakap protocol sa ating mga health facilities dahil sa kakulangan ng institutionalized support at mechanisms for compliance.
Tinutuunan ng panukalang batas ang mga puwang na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular na pagsasanay para sa mga health worker, pagpapalawak ng coverage ng PhilHealth, at pagsasagawa ng national awareness campaign.
Dagdag ng mambabatas,  ang Unang Yakap protocol ay kaugnay sa Republic Act 11148 o ang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act,” na nagbibigay ng integrated strategy upang matugunan ang kalusugan ng ina, kalusugan ng bata, at nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata. (Vina de Guzman)