Unang Mega Job Fair sa 2026 na inilunsad ng Malabon LGU, dinagsa ng aplikante
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
DINUMOG ng mga aplikanteng naghahanap ng trabaho ang inilunsad na unang Mega Job Fair and Livelihood Skills Training sa taong 2026 ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, katuwang ang Trabaho Partylist na ginanap sa Malabon City Square.
Lumahok sa naturang job fair ang 40 lokal na kompanya at anim na overseas companies na nagbukas ng 7,000 trabaho para sa mga Malabuenos. kabilang sa mga nagnanais na maging seaman na alok ng United Philippine Lines, isang Filipino Maritime Company.
“Pagpasok pa lamang po ng buwan ng Enero, pinagtuunan na po natin ang mabigyan ng oportunidad ang mga naghahanap ng trabaho para mas mapaunlad ang pamumuhay nila at ng kanilang pamilya,” pahayag ni Mayor Jeannie.
Ayon sa Public Employment Service Office (PESO), may mga bukas na trabaho para sa nagnanais na maging brand ambassadors, machine operators, clerks, production workers, engineers, electricians, helpers, customer service representatives, drivers, delivery crews, merchandisers, nurse, encoders at iba pang trabaho sa opisina.
Mayroon ding inilagay na one-stop-shop para sa mga aplikante na kukuha ng mga kinakailangang dokumento sa Philippine Statistics Authority, Philhealth, Pag-Ibig, Social Security System, Philippine National Police, Land Transportation Office, Department of Labor and Employment ay iba pang sangay ng pamahalaan.
Nagkaloob din ng skills at livelihood training para sa mga nagnanais matutong gumawa ng dishwashing liquid, maging aircon maintenance, at hydrophonics upang madali silang matanggap sap ag-aaply ng nais na trabaho.
“Bagong taon, bagong pag-asa para sa mga kababayan nating nagnanais na mapabuti ang kanilang pamumuhay. Hindi lang natin sila binibigyan ng pagkakataong makapag-apply sa trabaho, kundi ay inihahanda rin natin sila na nagkaroon ng kakayahan para sa kanilang pagkakakitaan,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)