• April 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Umentong P200 sa arawang sahod ng mga manggagawa, pag-aaralan ni PBBM

PAG-AARALAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung kakayanin ng mga negosyante na makapagbigay ng P200 na umento sa arawang sahod ng mga manggagawa kasabay ng pagbubukas ng 20th Congress.

“Pag-aaralan ito kung kakayanin ba talaga kasi kung magdudulot naman ito ng lay-off dahil hindi kakayanin ng karamihang maliliit na mga negosyante, mas marami pong mahihirapang mga manggagawa dahil  baka mawalan sila ng trabaho. Kaya po, itong lahat ng ito ay pag-aaralan para sa ikabubuti po ng lahat,” ang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Ani Castro, noon pa naman aniya ay gumagawa na talaga ng programa si Pangulong Marcos para sa ikagagaan ng buhay ng bawat manggagawang Pilipino.

Tinukoy nito ang mga job fairs kung saan nakapagbigay na ang gobyerno mula 2022 hanggang kasalukuyang May 1 ng 170,000 na trabaho para sa mga kababayan.

“At dahil na rin nagkaroon din po ng 27 billion US dollar investment, nakapag-create na rin po ng 350,000 na jobs nationwide. At kung nagbigay po ngayon ang Regional  Tripartite Wages and Productivity Board ng P50 na wage hike, iyan po ang na-evaluate na maaaring ibigay sa ating mga manggagawa para maibsan po ang kahit kaunting hirap na lumalabas po ito ay₱1,300 per month,” ang sinabi ni Castro.

Winika pa ni Castro na ang lahat ng kakayanan ng administrasyon at pakikipag-usap sa lahat ng stakeholders – mga manggagawa, mga negosyante, mga investors , ang lahat aniyang ito ay pakikinggan para na rin sa kabutihan ng lahat, hindi lamang para sa manggagawa, hindi lang para sa mga investors o sa mga negosyante kundi para aniya sa lahat.

Sa ulat, itutuloy ng House Bill 88 ang makasaysayang kampanya para sa kauna-unahang legislated wage hike sa loob ng halos apat na dekada.

Ayon sa TUCP, ang panukalang ₱200 umento ay tugon sa lumalakas na panawagan mula sa publiko, mga taga-suporta sa Kongreso, at mga manggagawang nagkakaisa sa ilalim ng National Wage Coalition (NWC).

Ang ₱200 wage hike bill aniya ang kanilang pangunahing panukala sa pagbubukas ng Kongreso, sapagkat ito ang pangunahing hinahangad ng mayorya ng mga manggagawa.

Diin ni Mendoza, ito na lang ang natitirang pag-asa nila para sa makataong pagtaas sa kita.

Hinimok ng kinatawan ang mga kapwa mambabatas, na gawing prayoridad ang panukalang umento sa sahod upang maibsan ang nararanasang krisis ng maraming pamilyang Pilipino, sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng bilihin at serbisyo.

“We feel that the wage bill should be the priority of the majority of the House of the People. We fight for the ₱200 wage hike because honest hardworking parents need to feed their children nutritious meals, send them to school, access healthcare, and get a fighting chance at a decent life,” ani Mendoza.

Isang kaparehong panukala, ang House Bill 78, ang inihain din ni Cavite 1st district Rep. Jolo Revilla. (Daris Jose)