• September 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak ng droga, timbog sa Caloocan buy bust

ARESTADO ang 36-anyos na demolition worker na sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Tol”, 36, na nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na alas-9 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang suspek sa loob mismo ng kanyang bahay sa Romblon St., Brgy., 69.

Ikinasa ng mga operatiba ng SDEU ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek.

Isa sa mga operatiba ng SDEU ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek at nang tanggapin umano nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Mables.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10.98 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P74,664.00 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill.

 (Richard Mesa)