Tulak na bebot, timbog sa drug bust sa Valenzuela
- Published on February 25, 2026
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang 39-anyos na bebot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Maan”, ng Pinalagad, Brgy. Malinta.
Nang magawang makipagtransaksyon kay alyas Maan ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto inaresto ang suspek dakong alas-7:20 ng gabi sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500, Kasama ang dalawang P500 boodle money at P200 cash.
Ayon kay SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.
Nagpaabot naman ng papuri si Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz sa SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa illegal drug trade. (Richard Mesa)