• March 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak, kulong sa P136K droga sa Valenzuela 

BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga nang makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Ian”, 45, ng Brgy., Bisig ng lungsod.

Ayon kay Col. Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA laban kay alyas Ian matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng ilegal na droga.

Isa sa mga tauhan ni Lt. Dascil na nagpanggap na buyer ang nagawa umanong makipagtransaksyon kay alyas Ian ng P7,500 halaga ng shabu.

Nang matanggap umano ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba at dinamba ang suspek dakong-8:20 sa Del Castillo St., Brgy. Coloong.

Bukod sa isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nabili umano sa suspek, nakuha pa sa kanya ang tatlong plastic sachets ng umano’y shabu na tumimbang lahat ng humigi’t kumulang 20 grams at may standard drug price na P136,000, buy bust money, at P300 cash.

Ayon kay P/MSg Ana Liza Antonio, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang Valenzuela Police sa kanilang matagumpay na operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa area ng CaMaNaVa. (Richard Mesa)