Tulak, kalaboso sa pagbenta ng droga sa pulis sa Valenzuela
- Published on February 18, 2026
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang isang kelot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Toyo”, 36, ng Brgy. Mabolo
Sa kanyang report kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na alas-5:50 ng umaga nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Francisco Del Monte St., Corner D. Santiago St., Brgy. Malanday.
Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, nakumpiska kay ‘Toyo’ ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money at P200 cash.
Nauna rito, positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba SDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek kaya agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Toyo’, sa koordinasyon sa PDEA.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil.
Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team na binigyang-diin na ang matagumpay na operation ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga upang patuloy na isulong ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. (Richard Mesa)