Tulad nang naranasan ni Ruru sa ‘Black Rider’: KATRINA, naaksidente habang kinukunan ang maaksyong eksena
- Published on October 23, 2023
- by @peoplesbalita
NAAKSIDENTE pala si Katrina Halili habang kinukunan ang isang maaksyon na eksena sa action-serye na ‘Black Rider’ ng GMA Public Affairs.
On Instagram, sinabi ng Kapuso actress na naka-recover na siya mula sa aksidente at nakapag-taping na siya ulit.
“Recovered from a mishap from Black Rider shoot, game na ulit si Romana. Babagsak pero tatayo palagi, lavarn na ulit,” caption pa niya sa Instagram.
Bukod kay Katrina, nakaranas din ng aksidente sa set ang bida ng ‘Black Rider’ na si Ruru Madrid.
Nag-physical therapy ang Sparkle actor ng isang buwan bago ito ulit sumabak sa mga buwis-buhay na mga eksena.
***
BINALIKAN nila Mark Anthony Fernandez at Eric Fructuoso ang mga ganap noong Guwaping days nila.
Nabuo ang grupo nila with Jomari Yllana noong 1992. Naging regular sila noon sa sitcom na ‘Palibhasa Lalake’, naging endorsers ng Bench at naging box-office hit ang pelikula nilang ‘Guwapings: The First Adventure.’
Hindi raw nila in-expect noon na sisikat sila hanggang sa makita nilang hinahabol na sila ng fans kahit saan sila magpunta.
Pag-alala ni Mark: “Noong hinahabol kami ng mga tao at sinisigawan. ‘Yung part ng feeling ko, Beatles kami.”
Kuwento naman ni Eric: “Bawal kami lumabas at pumunta ng mall pero hindi namin sinunod at nalaman namin kung bakit bawal. Pumunta kami sa Bench at ayun sinara, hindi kami makalabas.”
Noong buhay pa raw ang manager nilang si Douglas Quijano, lagi raw silang pinapagalitan at pinagsasabihan dahil pasaway silang tatlo.
Mga bata pa raw kasi sila noon kaya hindi nila naintindihan kung bakit parating binabantayan mga kinikilos nila sa publiko.
Ngayon ay mga tatay sina Mark, Eric at Jomari. Proud si Mark sa anak na si Grae Fernandez dahil mas pinili nito ang mag-aral ng filmmaking sa New York kesa sa ituloy ang showbiz career.
Si Eric naman ay lolo na dahil may apo na siya sa panganay niyang si Frederick.
Ang panganay naman ni Jomari kay Aiko Melendez na si Andrei ay nag-aartista na rin.
***
BIG hit agad ang first Christmas single ni Cher na “DJ Play A Christmas Song” na galing sa first Christmas album niya na “Cher Christmas”.
Pasok ito sa No. 3 spot ng Dance/Electronic Digital Song Sales chart ng Billboard. Ito ang third single ni Cher na nag-hit sa naturang chart after “Believe” and “Strong Enough” noong 1998.
Isang 13-track album ang Cher Christmas kunsaan ka-duet ng 77-year old music icon sina Stevie Wonder, Cyndi Lauper, Michael Bublé, Tyga, and Darlene Love sa mga featured holiday songs.
Dedicated ang first Christmas album ni Cher sa kanyang ina na si Georgina Holt na pumanaw last year sa edad na 96.