• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tsitsirya, cellphone model names sa confidential funds beneficiaries

HINDI  umano nag-iisa ang pekeng Mary Grace Piattos, ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V matapos itong makita sa bagong dokumento sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa bagong doukmento aniya mula sa impeachment complaint, lumalabas na hindi nag-iisa si Mary Grace Piattos dahil lumitaw ang dalawa pang pangalan na “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos. Pero, hindi katulad sa pangalan na Mary Grace Piattos, sina Pia at Renan ay mayroon lamang isang letrang “T” sa kanilang middle at last names na Piatos.

 

Lumabas din ang pangalan ng isang “Xiaome Ocho” na ginaya o kinuha sa a Xiaomi cellphone model mula 2018.

 

“Grabe naman ang ‘special treatment’ sa pamilya Piattos. May Mary Grace Piattos, may Pia Piatos-Lim, may Renan Piatos. Ano bang meron sa kanila at parang qualified silang lahat makatanggap ng confidential funds?” pagtatanong ni Ortega.

 

Tulad ni Mary Grace Piattos, wala ring records si Ortega ng kapanganakan, kasal o kamatayan sa Philippine Statistics Office (PSA).

 

“Ang akala natin, isang pangalan lang ang katawa-tawa sa listahan ng confidential funds recipients. Pero mukhang may buong pamilya na ng ‘Piattos’ at pati isang cellphone model na nakasama,” ani Ortega.

 

Isinumite ng Kamara ang impeachment complaint sa senado kung saan kasama dito ang mga certifications na may petsang December 8 at December 11, 2024, mula sa PSA. Kabilang sa naturang dokumento ang listahan ng confidential fund recipients na isinumite sa House Committee on Good Government and Public Accountability.

 

Ayon sa PSA, sa 1,992 pangalan na sangkot sa Office of the Vice President’s (OVP) confidential funds, tanging 670 lamang ang maaaring may match sa PSA records. Samantala, 1,322 indibidwal ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records (na may 536 possible matches), at 1,593 ang walang death records (na may 399 possible matches).

 

“Anong klase itong confidential funds disbursement na hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap?” Public funds ito, pero parang ginamit sa isang imaginary payroll,” dagdag ng kongresista.

(Vina de Guzman)