Trust rating ni PBBM sa Hunyo, tumaas sa SWS survey
- Published on July 16, 2025
- by @peoplesbalita
TUMAAS ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa survey ng Social Weather Station nito lamang nakaraang buwan ng Hunyo habang halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Stratbase Group nitong Lunes, umangat ng 10 percentage points ang trust rating ni Pangulong Marcos ng 48% nitong Hunyo mula sa 38% noong Mayo.
Habang halos hindi naman nagbago ang rating ni VP Sara na nasa 61% ng Hunyo kumpara sa 60% noong Mayo.
Sinabi ng Stratbase, ginawa ng SWS ang survey noong June 25 hanggang 29, 2025, sa 1,200 Filipino adults sa buong bansa. Mayroon ±3% margin of error ang nasabing survey.
Winika ni Stratbase Group President Prof. Victor Andres “Dindo” Manhit, importante ang nabanggit na resulta ng survey para masuri ang kasalukuyang political climate at sintemyento ng publiko sa mga pangunahing lider ng bansa.
“The significant increase in President Marcos’ trust rating signals a possible renewed public confidence in his administration,” ayon kay Manhit sabay sabing. “He must sustain these trust ratings since they are crucial indicators of political stability and governance performance.”
Samantala, nakakuha naman si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng 55% trust rating nitong Hunyo, na mas mataas ng 8 percentage points kumpara noong Mayo.
Tumaas din ng 8-point ang rating ni House Speaker Martin Romualdez na may 34% nitong Hunyo. (Daris Jose)