Trillanes, sinopla ni Roque
- Published on July 23, 2021
- by @peoplesbalita
vMARAMING mga Filipino ang patuloy na nagtitiwala at nasisiyahan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque bilang tugon sa sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na bumababa na ang approval rating ni Pangulong Duterte sa Luzon, batay sa isang survey na isinagawa ng Magdalo group.
“Hindi ko maintindihan kung ano ang tinitingnan niyang survey ,” ayon kay Sec. Roque.
Kaya ang payo ni Sec. Roque kay Trillanes ay pag-aralan munang mabuti ang survey results na nagpapakita ng mataas na approval at trust scores ni Pangulong Duterte bago pa magpahayag na nawawala na ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan kay Pangulong Duterte.
“So, pag-aralan po nang mabuti ni Senator Trillanes ang mga survey results ng makita niya na patuloy pong nagtitiwala at patuloy pong satisfied ang taumbayan sa ating Presidente ,” ani Sec. Roque.
Sa ulat, sa Facebook post ni Trillanes ay makikita ang “Big news! The Magdalo survey results for July are in. For the 5th straight time, Duterte’s approval ratings are down,”
“Marami na talagang namumulat. Lumalaki rin ang chance ng opposition na manalo sa 2022,” dagdag ng dating senador.
Base sa survey nitong Hulyo 13 hanggang 14, 26.5 porsyento ang nagsabing “gustong-gusto/gusto” si Duterte mula sa 45.2 porsyento noong nakaraang taon sa parehas na panahon.
Habang 59.7 porsyento ang nagsabing “tama lang” mula sa 49.1 porsyento sa nakaraang taon.
At 13.9 porsyento naman ang nagsabing “ayaw/ayaw na ayaw” mula sa 5.6 porsyento ng nakaraang taon.
Matatandaang nanguna si Duterte at anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa isang survey para sa mga kandidatong nais ng publiko sa pagka-presidente at bise-presidente sa susunod na eleksyon. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)