Tricycle driver, isinelda sa baril sa Malabon
- Published on October 21, 2025
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang isang tricycle driver matapos damputin ng pulisya dahil sa pagdadala ng hindi lisensyadong baril habang pagala-gala sa lansangan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek na si alyas “Arnel”, 38, ng Anonas Road, Brgy. Potrero at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Sa ulat, nakatanggap ang mga tauhan ng Patrol Base (PB1) ng impormasyon mula sa isang barangay informant kaugnay sa isang lalaki na may bitbit umanong baril habang pagala-gala sa Anonas Road.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ni Col. Umipig at naaktuhan nila ang naturang lalaki na naglalakad habang may hawak umanong baril.
Maingat nila itong nilapitan saka sinunggaban sabay nagpakilala bilang mga pulis bago kinumpiska ang dalang baril na isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Ayon kay Col. Umipig, walang naipakita ang suspek na kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril kaya inaresto siya ng kanyang mga tauhan. (Richard Mesa)