• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

TRANSPORT GROUP SUPORTADO ANG AGRESIBONG REPORMA NG LTFRB NA IPAGBAWAL ANG PAG-RENEW NG PRANGKISA NG MGA BULOK NA PUV

DALAWANG pangunahing transport group ang nagpahayag ng buong suporta sa agresibong reporma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamumuno ni Atty. Vigor D. Mendoza II upang ipagbawal ang pag-renew ng prangkisa ng mga sirang pampublikong sasakyan (PUVs).

Ayon kay Melencio “Boy” Vargas, national president ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), buo ang kanilang suporta sa anumang hakbang na magpapabuti sa sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.

“Suportado namin ang hakbang na ito dahil kami din namang nasa transport sector ang nasisira sa mata ng ating mga kababayan. Karamihan sa mga pampasaherong sasakyan ay maayos na kalagayan at may presentableng driver pero nadadamay dahil sa iba,” ani Vargas.

Ito ay bilang tugon sa pahayag ni Chairperson Mendoza na ang LTFRB ay gumagawa ng bagong polisiya upang hindi na makapag-renew ng prangkisa ang mga PUV na nasa lubhang sira at delikadong kondisyon.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Pasang-Masda sa hakbang na alisin sa kalsada ang mga PUV na may kuwestiyonableng road worthiness.

“Ang pinag-uusapan na kasi dito ay ang kaligtasan ng mga pasahero. Kapag hindi maayos ang kondisyon ng mga sasakyang pampubliko ay malaki ang tsansa na road crash ang kahihinatnan nyan,” ani Pasang Masda national president Ka Obet Martin.

Nauna nang sinabi ni Chairperson Mendoza na kinakailangang linisin ang mga prangkisa ng LTFRB mula sa mga unsafe at dilapidated na PUVs, hindi lamang upang mapabuti ang pampublikong transportasyon kundi bilang pagtupad na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mananakay.

Sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, kasalukuyang nire-review ng LTFRB ang umiiral na polisiya at nagsasagawa ng masusing monitoring sa mga PUV na nasa kalsada.

Nagpahayag ang ALTODAP at Pasang-Masda na kanilang sisiguraduhin na mababantayan ang sariling hanay kaugnay ng road worthiness ng mga pampasaherong jeepney.

Nagbabala naman si Chairperson Mendoza na kung hindi igagalang ng mga operator ang kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng presentableng PUVs at mga driver, gagawin ito ng LTFRB para sa kapakanan ng mga mananakay.

“Hindi ito usaping ng mandato, ito ay commitment sa sambayang Filipino commuters na siguraduhin ang seguridad at proteksyon sa lahat ng panahon,” saad ni Chairperson Mendoza”. (PAUL JOHN REYES)