Track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, bubuksan na ng PSC sa publiko- PBBM
- Published on July 29, 2025
- by @peoplesbalita
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na simula ngayon ay bubuksan na ng Philippine Sports Commission sa publiko ang kanilang mga track and field oval sa Pasig, Maynila, at Baguio, upang makapag-jogging ag lahat nang libre.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa, araw ng Lunes, Hulyo 28, na magbubuhos ang gobyerno ng todo-suporta sa mga palaro at mga atleta sa buong bansa.
Binigyang halimbawa pa ng Pangulo ang Palarong Pambansa, at ang Batang Pinoy Games na gaganapin sa General Santos City ngayong Oktubre.
Bubuo aniya ang gobyerno ng bagong pambansang programa para sa sports development. Uumpisahan aniya sa paaralan pa lamang. Ibabalik aniya niya ang mga sports club at magsasagawa ang gobyerno ng mga palaro at intrams sa lahat ng pampublikong paaralan.
“Naririyan ang ating Philippine Sports Commission at saka ang PAGCOR upang tiyakin ang patuloy na pagtaguyod at pagsuporta sa ating mga programang pampalakasan ng mga atleta sa buong bansa,” ani Pangulong Marcos.
“Dahil sa mga ito, ang ating kabataan ay maagang namumulat sa isports, humuhusay, at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na athlete: tulad ni Senator Manny Pacquiao, ni Hidilyn Diaz, i Caloy Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan,” aniya pa rin.
“Isama na rin natin ‘yung bago nating kampeon si PNP Chief Nic Torre.Nagulat si Chief PNP,” ang joke naman ng Pangulo na ikinatuwa ng mga dumalo at nagpalakpakan sa nasabing event.
At siyempre aniya pa rin, pati pa na aniya ang kampeon sa Asian Winter Games- Philippine Men’s Curling Team.
“Akalain mo nga naman: walang winter dito sa Pilipinas, napatunayan pa rin natin na kaya nating maging kampeon sa Winter Games.
Kilalanin natin ang mga atleta na umani ng karangalan para sa Pilipinas:
Hindi lamang sila nakapaghatid ng kasiyahan sa buong sambayanan. Pinalakas pa nila ang ating pagmamahal sa bayan, at lalo pang pinatingkad ang dangal ng bawat Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo. (Daris Jose)