• October 24, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 10:54 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top 3 sector, makatatanggap ng pinakamalaking alokasyon mula sa NEP 2026

NANANATILING mga ‘top sector’ ang edukasyon, public works, at kalusugan na makatatanggap ng pinakamalaking alokasyon sa ilalim ng panukalang National Expenditure Program (NEP) para sa 2026.
Ayon sa government budget data na isinapubliko, araw ng Miyerkules, ang ‘top three sectors’ ay mayroong parehong ranking sa 2025 NEP.
Ang panukalang national budget para sa susunod na taon ay nagkakahalaga ng P 6.793 trillion, 7.4% na mas mataas kaysa sa enacted 2025 budget.
Ang sektor ng edukasyon ay makakukuha ng P928.5 billion allocation, public works ay makatatanggap ng P881.3 billion habang ang health sector ay makakukuha ng P320.5 billion sa alokasyon.
Ang Defense ay umakyat sa fourth place na may P299.3 billion, naungusan nito ang interior and local government sector, na bumaba naman sa fifth place na may P287.5 billion.
Ang Agriculture ay tumaas sa sixth place na may P239.2 billion, pagpapalit ng spot sa social welfare, na ngayon ay nasa 7th place na may P227 billion.
Ang Transportation, 8th place na na may P198.6 billion at Judiciary, 9th place na may P67.9 billion, habang ang labor and employment (P55.2 billion) pumasok sa top 10 kapalit ng justice sector.
Sa kabilang dako, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM), sa isang budget briefer, na ang 2026 NEP ay naglalayon na panatilihin ang economic growth momentum ng bansa habang pinalalakas ang commitment na “investing in the Filipino people.”
“With the overriding commitment to fulfill our dream of a Bagong Pilipinas , the National Budget seeks to nurture future-ready generations towards achieving the full potential of the nation,” ang sinabi ng ahensya.
Matatandaang, nagbabala ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga posibleng pagkaantala ng pagpapatupad ng mga programa, aktibidad at mga proyekto sakaling may mga pagbabago sa mga panukalang pondo para sa 2026.
Ito ay matapos na sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na ulat sa bayan na kaniyang ive-veto ang 2026 proposed budget sakaling hindi ito akma sa plano ng gobyerno at sambayanang Pilipino kahit magresulta pa ito sa reenacted budget.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na seryoso si Pangulong Marcos sa pagtiyak na dapat wala ng malaking mga pagbabago sa panukalang pondo o National Expenditure Program (NEP), na kilala bilang pondo ng Pangulo.
Paliwanag ng kalihim na pinag-isipang maigi ng Pangulo kung paano babalangkasin ang naturang pondo, kung saan inabot aniya ang punong ehekutibo kasama ang kaniyang mga gabinete ng anim na buwan sa pagbalangkas ng panukalang pondo para sa susunod na taon.
Babala pa ni Sec. Pangandaman na anumang pagbabago sa 2026 national budget na ipinanukala ng Pangulo ay magpapabagal sa implementasyon ng mga proyekto ng gobyerno, at maaaring maging mahirap para sa mga ahensiya ng gobyerno para ipatupad ang bagong mga programa na isisingit ng mga mambabatas sa mga deliberasyon ng pondo sa Kongreso. ( Daris Jose)