Top 3 most wanted ng Region 8, nalambat ng NPD sa Navotas
- Published on August 22, 2025
- by @peoplesbalita
NALAMBAT ng mga operatiba ng District Special Operations Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa manhunt operation sa Lungsod ng Navotas ang isang drug suspect na wanted sa patung-patong na kaso ng ilegal na droga sa Eastern Visayas.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni DSOU Chief P/Lt. Col. Emmanuel Gomez na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Navotas City ang presensya ng akusadong si alyas “Joey”, 50, residente ng Valenzuela City.
Napag-alaman ng DSOU na ang akusado ay nakatala bilang No. 3 Regional Level Most Wanted Person (MWP) sa Region 8, Eastern Visayas, at No. 5 Municipal Level MWP ng Babatngon, Leyte.
Kaagad nakipag-koordinasyon si Lt. Col. Gomez sa Office of Regional Intelligence Division (ORID), PRO8, Babatngon Municipal Police Station, at 805th Maneuver Company, RMFB 8, bago ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-10:15 ng umaga sa Taliba Street, San Rafael Village, Navotas City.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 46, Tacloban, Leyte at walang inirekomendang piyansa para sa paglabag sa Section 5 ng R.A 9165 habang may inilaan namang piyansa na P200K para sa paglabag sa Section 11 ng R.A 9165.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng DSOU-NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (Richard Mesa)