• February 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top 1 most wanted person ng NCRPO, nalambat sa Caloocan

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang lalaki wanted sa kaso ng pagpatay sa Malabon City matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.

Sa nakalap na report sa tanggapan ni Northern Police (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatala ang 41-anyos na akusado bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng NCRPO, No. 2 sa Malabon City Police Station at No. 3 naman sa NPD.

Nabatid na may nakabinbing warrant of arrest ang akusado na inilabas ng Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 293, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.

Sa isinagawang extensive intelligence gathering, research, validation, at surveillance operation ng mga operatiba ng NPD District Special Operation Unit (DSOU), nagawang matunton ng mga ito ang kinaroroonan ng akusado.

Katuwang ang mga tauhan ni Malabon CPS Chief P/Col. Allan Umipig, agad ikinasa ng mga operatiba ng NPD-DSOU ang manhunt operation na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado dakong alas-10:55 ng umaga sa Libis Espina, Barangay 18, Caloocan City.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.

“Hindi titigil ang kapulisan sa paghuli ng mga lumalabag sa batas, upang mapanatili ang kaligtasan, kapayapaan, at katarungan para sa Komunidad.” pahayag ni BGen. Dela Cruz. (Richard Mesa)