Tiniyak ang repatriation assistance
- Published on February 26, 2022
- by @peoplesbalita
UMAPELA ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Filipino sa Ukraine na huwag mag-panic sa gitna ng nagpapatuloy na paglusob ng Russia.
Tiniyak ng DFA sa mga ito na mabibigyan sila ng tulong at madadala sa mas ligtas na lugar o mapauuwi sa Pilipinas kung kinakailangan.
Sinabi ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter na sumang-ayon ang Poland na payagan ang mga Filipino na lisanin ang ang Ukraine at makapasok sa bansa kahit walang visa.
Sinabi naman ni DFA Undersecretary Sarah Arriola, may apat na Filipino ang nag-request ng repatriation assistance mula sa gobyerno ng Pilipinas ang nakatakdang lumipad sa Maynila mula Kyiv “if circumstances would allow”. Inaasahan na darating ang mga ito sa bansa sa araw ng Biyernes, Pebrero 26.
“Repatriation is our department’s top priority. We are on standby to assist our kababayans. We will use all available means to bring them home,” ayon kay Arriola.
Samantala, sa ulat, handa na ang “go bags” ng ilang Pinoy sa Kyiv ang kabisera ng Ukraine. Naglalaman ito ng mga importanteng dokumento at mga personal na gamit para handa sila kung sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Nitong mga nakaraang linggo kasi, tumitindi ang girian ng dalawang bansa na mas lalo pang naging kumplikado dahil sa bantang sanctions ng Estados Unidos at padalang tulong na armas ng NATO sa Ukraine.
Nag-aalburoto ang Russia dahil hindi raw ito pinakikinggan sa iginigiit nitong huwag isali ang Ukraine sa NATO at panawagang itigil na ang eastward expansion ng NATO malapit sa kanilang border. (Daris Jose)