Tiangco sa members ng House of Representatives; “Manalamin muna kami bago kami humusga ng iba.”
- Published on January 17, 2026
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Navotas Representative Toby Tiangco ang mga miyembro ng House of Representatives na linisin muna ang kanilang hanay para magkaroon ng moral authority sa impeachment proceedings.
“Manalamin muna kami bago kami humusga ng iba. How can the defenders of Martin Romualdez and Zaldy Co posses the moral authority if kasama sila sa katiwalian o ayaw man lang nilang magsalita tungkol sa katiwalian dati sa House? Hindi ba’t ang dami pa ring tumatawag sa amin na House of Crocodiles?” ani Tiangco.
“I am totally for accountability. Pero wag naman tayong ipokrito, at lalong wag mag-bato ng putik sa iba para lumabas na malinis. Manalamin ka muna bago mo punahin ang iba,” dagdag niya.
Nilinaw ni Tiangco na hindi siya nagbibigay ng mga kundisyon para sa pagsama niya sa impeachment complaints.
Sa halip, binibigyang-diin niya ang pangangailangang tiyakin na ang mga sangkot sa pinakamalaking iskandalo sa badyet at imprastraktura sa kasaysayan ng Pilipinas ay mananagot at ang isyu ay hindi maibabalik sa back burner.
“I’ve been very clear from the start. No one is exempt from accountability. Panagutin natin ang dapat panagutin. Kaya nga ang panawagan natin, huwag kalimutan ang issue ng maanomalyang pagbenta ng insertions sa 2023 hanggang 2025 budget at ang flood control scam,” aniya.
Sinabi pa niya, “Hindi ba’t may mga nagsasabi, bakit yung nagnakaw ng bigas at sardinas kulong agad pero may due process pag milyon ang ninakaw? By using the same analogy, bakit yung trilyon anomalya nung panahanon ni former Speaker Martin Romualdez at House Appropriations Chairman Zaldy Co parang walang nagsasalita, pero sa P140M grabe ang ingay,”.
Ikinalungkot ni Tiangco ang katotohanan na mula nang palitan ni Rep. Faustino “Bojie” Dy III si Rep. Romualdez bilang speaker ng Kamara, isang malaking posisyon sa pamumuno lamang ang nagbago at lahat ng iba pang posisyon sa pamumuno sa ilalim ni Romualdez ay napanatili.
Hinimok din niya ang kanyang mga kasamahan na magsalita tungkol sa mga anomalya sa Kamara para makuha ang moral ascendancy sa impeachment proceedings.
“Bakit mas maingay pa ang marami laban kay VP Sara, pero tahimik o hindi kasing-ingay pag dating kay Martin Romualdez at kay Zaldy Co? Pati mga sangkot sa mga anomalya sa House nakapirma sa nakaraang impeachment complaint,” giit ni Tiangco. (Richard Mesa)