Thompson hinirang na PBA MVP
- Published on June 7, 2022
- by @peoplesbalita
KAGAYA ng inaasahan, napasakamay ni guard Scottie Thompson ng Barangay Ginebra ang Most Valuable Player trophy ng PBA Season 46 kahapon sa The Leo Awards.
Kumolekta ang 28-anyos na produkto ng Perpetual Altas ng 2,836 points para maging ikalawang Ginebra player na nagwagi ng MVP matapos si Marc Caguioa noong 2012.
“Iyong hard work ko, iyong mga nangyari sa buhay ko, ang dami ‘di ba, on and off the court,” sabi ng 2015 PBA Draft No. 5 overall pick.
Tinalo ni Thompson para sa award sina TNT Tropang Giga guard Mikey Williams (1,332), Robert Bolick (1,295) ng NorthPort at Calvin Abueva (1,066) ng Magnolia.
Kinilala si Williams bilang Rookie of the Year.
Nauna nang hinirang si Thompson bilang Best Player of the Conference at Finals MVP ng nakaraang Governors’ Cup na pinagharian ng Gin Kings.
Nakasama ni Thompson sa Mythical First Team sina Williams, Abueva, June Mar Fajardo ng San Miguel at Arwind Santos ng NorthPort.
Nasa Mythical Second Team sina Bolick, CJ Perez ng San Miguel, Christian Standhardinger ng Ginebra, Matthew Wright ng Phoenix at Ian Sangalang ng Magnolia.
Ibinigay naman kay Terrafirma guard Juami Tiongson ang Most Improved Player award,.
Si Kevin Alas ng NLEX ang tumanggap ng Samboy Lim Sportsmanship trophy.