Teves kinasuhan na ng multiple murder
- Published on May 19, 2023
- by @peoplesbalita
SINAMPAHAN na kahapon ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) si suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. kaugnay ng pagiging utak umano sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.Bago mag-alas-11 ng umaga nang dumating sa DOJ ang mga opisyal at tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pangunguna ni Director Medardo de Lemos bitbit ang mga kahon ng dokumento base sa nakalap nilang mga impormasyon at ebidensya sa ikinasang imbestigasyon sa kaso.
“It’s ongoing. The [National Bureau of Investigation is here already. I was told by Director de Lemos that they are coming over to file the complaint,” ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Sinabi ni Remulla na nahaharap si Teves sa 10 bilang ng kasong murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.
Sa pormal na pagsampa ng reklamo, bibigyan naman umano ng oportunidad si Teves na maghain ng kaniyang counter-affidavit. Ito ay kung makababalik na sa bansa si Teves na kasalukuyang nagpapalipat-lipat umano ng kinaroroonan sa ibang bansa sa Asya.
“He has to come home or they will file the case in court and the warrant will be issued in absentia,” paliwanag ni Remulla.
Una nang sinampahan si Teves ng multiple murder kaugnay ng insidente ng pagpaslang noong 2019 at kasong illegal possession of firearms and explosives. Inumpisahan na rin ang proseso ng pagtukoy sa kaniya bilang isang terorista.
Unang nakatakda na ihain ang kaso laban kay Teves nitong nakaraang Lunes ngunit naantala ito makaraang manahimik umano ang mga nadakip na suspect-witness nang bigla silang bigyan ng pribadong mga abogado. (Daris Jose)