Terorista nasa likod ng Mendiola riot – DILG, PNP
- Published on September 23, 2025
- by @peoplesbalita
ITINUTURO ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang local terrorist group na nasa likod ng paglusob sa Mendiola at tangkang pagsunog sa Malakanyang.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang pinakamalaking pangamba ng security forces noong araw ng Linggo ay kung sa EDSA People Power Monument ginawa ang panggugulo dahil tiyak na mas maraming masasaktan.
Base sa nakalap nilang intelligence report, target ng mga terorista na magpasabog ng bomba sa Edsa People Power Monument o sa Luneta.
Dahil dito kaya nagtalaga sila ng may 400 mga pulis sa ground na pawang mga naka-civilian ang damit para makita at ma-assess ang sitwasyon.
Ayon pa kay Remulla, mabuti na lamang at sa Mendiola nangyari ang kaguluhan at mas na-contain ang sitwasyon.
“May narinig kaming rally na sinabi nung may hawak ng mic na, ‘O sandali na lang, pupunta na tayo sa Mendiola, dalhin niyo na ang mga lighter ninyo. That is one confirmation that they intend to burn the Palace… The capacity to burn the Palace is very difficult but the intent is there,” ayon kay Remulla.
Sinabi naman ni PNP Chief General Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa anggulong terorista at kung anong grupo ang nasa likod ng marahas na rally sa Mendiola nitong Linggo.
Matatandaang sinunog ng mga rallyista ang container van na nakaharang sa Ayala Bridge na ilang metro na lamang ang layo sa Malakanyang at pinagbabato pa ang mga nakabantay na mga pulis.
(Daris Jose)