Teenager na akusado sa statutory rape sa Caloocan, swak sa selda
- Published on October 14, 2025
- by @peoplesbalita
REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang teenager na wanted sa kaso ng statutory rape matapos maaresto sa manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatala ang 19-anyos na vendor bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person (TTMWP) sa Northern Police District (NPD) at No. 3 TTMWP naman sa Caloocan City Police Station.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad ikinasa ng DSOU ang operation .
Dakong alas-2 ng hapon nang masukol ng pinagsanib na mga operatiba ng DSOU at Warrant and Subpoena Section ng Caloocan Police ang akusado sa harap ng Tierra Nova Covered Court, Tierra Nova Subdivision, Barangay 171, Bagumbong.
Hindi na nakapalag ang akusado nang bitbitin siya ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 131, Caloocan City, noong September 9, 2025 para sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit (NPD-CFU) habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)