Tambay, tiklo sa paltik sa Caloocan
- Published on July 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
KULUNGAN ang kinasadlakan ng 31-anyos na tambay nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril makaraang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Caloocan City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, pinosasan ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 ang suspek na si alyas “Roger”, nang wala siyang naipakitang kaukulang dokumento sa nakuha sa kanya na isang kalibre.38 revolver.
Nabatid na unang nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na iligal umanong nag-iingat ng hindi lisensyadong baril ang suspek kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.
Nang maglabas ang Caloocan Regional Trial Court (RTC), Branch 124 ng search warrant para sa paglabag sa R.A 10591, kaagad sinalakay ng mga tauhan ng SS9 ang bahay ng suspek bago hinalughog.
Nasamsam ng mga pulis sa loob ng bahay ng suspek ang isang baril na kargado ng dalawang bala kaya mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sinabi ni P/Bgen. Capili na patuloy ang mahigpit nilang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian. (Richard Mesa)