• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tambay na nanghiram ng tapang sa baril, binitbit sa selda

SHOOT sa selda ang 42-anyos na tambay matapos umanong magsiga-sigaan sa kanilang lugar habang armado ng baril Sabado ng hapon sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang lalaki na gumagawa ng kanyang sariling eksena ng panggugulo sa Robes 1, Brgy. 175.

Agad initasan ni Col. Canals ang Police Sub-Station 11 na puntahan ang nasabing lugar at pagdating ng mga pulis sa lugar ay nakita nila ang suspekn na matapang na nanggugulo dahil sa bitbit niyang baril.

Hindi naman pumalag ang suspek na si alyas ‘Berto’, nang dambahin siya ng mga tauhan ng SS11 at kinumpiska sa kanya ang hawak na isang hindi lisensiyadong kalibre .38 “Smith & Wesson” revolver na kargado ng tatlong bala sa chamber.

Ayon kay Col. Canals, mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code of the Philippines) at alarm and scandal ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)