• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 9:50 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

TAGUIG, UNANG SIYUDAD SA NCR NA MAY LISENSYADONG HEALTH CENTERS BILANG PRIMARY CARE FACILITIES

NAUNA ang dalawang Health Centers sa Lungsod ng Taguig ang nabigyan ng license to operate  bilang Primary Care Facilities (PCF) ng Department of Health (DOH).

 

 

Ang Calzada Health Center at Hagonoy Health Center ay may licensed to operate hanggang December 31, 2024  alinsunod sa Administrative Order No. 2020-0047 na  sumasakop sa lahat ng pampubliko at pribadong PCFs, maliban sa  outpatient department ng mga ospital at infirmaries.

 

 

Layunin ng PCFs na magbigay ng pangunahin at patuloy na aruga at pangangalaga sa mga pasyente gamit ang komprehensibo at coordinated na serbisyong medikal.

 

 

Ang paggawad ng lisensya sa PFCs ay kailangan upang matugunan at maisakatuparan ang layunin ng Universal Health Care (UHC) Act. Tinitiyak ng lisensiya na ang PCF ay madaling mapuntahan, abot-kaya ang halaga, ligtas sa bawat mamamayan, at nagtataglay ng pinakamataas na kalidad sa pagbibigay ng pangangalaga at benepisyong kalusugan sa mga tao.

 

 

Iniaatas ng Universal Health Care Law na ang lahat ng Filipino ay agad na maging miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Sa ilalim ng batas na ito,  may karapatan ng bawat mamamayan na  tumanggap ng mga benepisyong pangkalusugan. Layunin din nito na pag-isahin ang provincial health systems at nakagawa ng multi-sectoral policy action.

 

 

Ipinaalala naman ni Mayor Lani Cayetano na isa sa mga layunin ng kanyang administrasyon ang ipagpatuloy ang pagpapalawak ng pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod.

 

 

“Naniniwala kami na upang maging angkop ang lokal na pamahalaan sa mabilis na pagbabago ng ating komunidad, kailangan nating masiguro ang magandang kalusugan ng ating mamamayan at kanilang kapaligiran. Ang kalusugan ay mahalaga upang gumana ng maayos at normal ang ating lipunan, kaya naman kailangan nating ipagpatuloy ang pagbalangkas ng mga epektibong programa para sa ating mga kababayan sa lungsod ng Taguig,” wika ni Mayor Lani. (Gene Adsuara)