Taas sahod, top concern ng Pinoy – survey
- Published on January 26, 2026
- by @peoplesbalita
ANG pagtaas ng sahod ng mga manggagawa ang nanguna bilang pinaka-urgent na national concern ng mga Pilipino sa ikaapat na bahagi ng 2025, na pinakamalaking pagtaas mula noong Marso 2024, batay sa pinakahuling Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Sa nasabing survey na ginawa noong Disyembre 3-11, 2025, nasa 45% ng mga respondents ang nais na maaksyunan agad ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang Balance Luzon at Visayas na may 47% ng respondents ang nangunguna na nagsabing pangunahing alalahanin nila ang usapin sa sahod. Sumunod ang Mindanao, 42% at National Capital Region, 41%.
“The share of adult Filipinos citing improving or increasing workers’ wages as an urgent national concern rose sharply in the Fourth Quarter (Q4) of 2025,” ayon sa OCTA.
Bukod sa taas-sahod, prayoridad din ng mga Pinoy ang pagkontrol sa presyo ng bilihin (Inflation – 41%); access sa abot-kayang pagkain (30%); paglaban sa graft and corruption (29%); at libre at de-kalidad na edukasyon (28%).
Sa kabila ng hiling na taas-sahod, bumaba naman ang unemployment rate sa 4.4% (2.25 milyong tao) noong Nobyembre 2025, habang tumaas ang employment rate sa 95.6%.
Sa socioeconomic class, 45% sa Class ABC respondents ay top concern ang pagkontrol ng pagtaas ng halaga ng bilihin at serbisyo habang 43% sa pagtataas sa sahod.
Sa Class D, ang pagtataas sa sahod ang top concern na nasa 46%, kasunod ang price control sa 40%.
Sa Class E, ang pagkontrol sa presyo ng bilihin na top concern ng 48%, 42% sa pagtataas ng sahod at 37% ang abot kayang pagkain.
Tinanong sa survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults sa buong bansa.