Survey ratings, hindi dapat gamitin para baluktutin ang katotohanan- Malakanyang
- Published on February 18, 2026
- by @peoplesbalita
NAGTATAKA ang Malakanyang kung saan nanggagaling ang “ratings” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil tila hindi ito sumasalamin sa work ethic ng Chief Executive.
Ito’y matapos na lumabas na neutral o nasa -3 ang latest net satisfaction performance rating ng mga filipino para kay Pangulong Marcos batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey habang naungusan na ni Vice President Sara Duterte ang iba pang opisyal ng gobyerno na may pinakamataas na net satisfaction ratings.
Nakakuha kasi si VP Sara ng +28 net satisfaction sa fourth-quarter national survey na isinagawa noong Nobyembre 24-30, 2025.
“Sana po ang mga survey ratings na ito ay hindi magsilbing paglilinlang sa katotohanan kung sino ba talaga ang nagtatrabaho at sino ang hindi,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa 4th quarter nationwide survey, nasa 40 percent ang satisfied, 17 percent ay satisfied o dissatisfied at 43 percent ay dissatisfied sa net satisfaction rating ng Pangulo.
“So, kung ang susunod mong katanungan is saan nagmumula ang rating na ito, hinahanap din po namin,” ang sinabi ni Castro.
“Dahil kahit ano pong maging numero diyan, ang katotohanan, ang Pangulo ang siyang nagtatrabaho at ang ilan ay nagbabakasyon lamang ay hindi po maaaring pasinungalingan ninuman,” aniya pa rin.
Sa ulat, ang pinaka-mataas na net satisfaction rating ni Pangulong Marcos ay nagmula sa Balanced Luzon na nasa “moderate” +13, may 5 puntos taas mula sa nagdaang quarter na “neutral” +8. Sinundan ito ng Visayas at +2, na may 10 points na taas mula sa -8 sa nagdaang quarter.
Sa Metro Manila, ang net satisfaction rating ni Marcos ay bumagsak ng 5 points na mula neutral ay naging poor na nagpapakita ng -2 noong Setyembre at -17 sa last quarter ng 2025 samantalang ang net satisfaction rating naman ni Marcos sa Mindanao ang pinaka mababa na “poor” o -29, mula sa -28 sa nagdaang quarter.
Ang nationwide survey ay ginawa sa paraang face-to-face interviews sa 1,200 adults na may edad 18-anyos at pataas nationwide. ( Daris Jose)