• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SUPORTADO NI PBBM ANG KAMPANYANG DISIPLINA PARA SA KABATAAN

NEWS 5 SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakatakdang ilunsad ng pamahalaan ang isang kampanya na nagtataguyod ng disiplina sa kabataan, kasunod ng mga mungkahing ibinahagi ng mga manonood sa kanyang vlog upang tugunan ang mga pampublikong hinaing at rekomendasyon.

Sa BBMVLOG 278 na pinamagatang Sagot sa Polisiya, binasa ng Pangulo ang komento ng isang netizen na nanawagan para palakasin ang mga programa na magtuturo ng disiplina sa mga kabataan.
“Mula kay Vivian Saremo: Mahal na Pangulo, more training po sa mga youth na maging disiplinado kasi marami na daw pong tamad na kabataan. Sila po kasi ang pag-asa ng bayan,” ani ng Pangulo habang binabasa ang komento.
Umabot sa 70.2K heart reactions at 11.9K komento ang naipon ng naunang vlog ng Pangulo.
Nagpasalamat si Marcos sa mga nagbigay ng mungkahi at binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplina hindi lamang sa kabataan kundi sa buong lipunan.
“Salamat, Vivian, sa suggestion mo. Kabataan o hindi, kinakailangan talaga ng mas malakas na kampanya sa disiplina. Asahan mo na may ilulunsad tayong programa sa mga susunod na linggo. MMDA Disiplina Campaign, ready to roll out na po ‘yan,” aniya ng Pangulo.
Ang nasabing kampanya ay ipatutupad sa pakikipagtulungan sa Metropolitan Manila Development Authority bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang isulong ang disiplina at civic responsibility, lalo na sa mga kabataang Pilipino. (DARIS JOSE)