• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Suportado ng isang mambabatas ang desisyon ni PBBM na suspendihin ang lahat ng importasyon ng bigas

BILANG proteksyon na rin sa mga lokal na magsasaka ngayong panahon ng anihan, suportado ng isang mambabatas ang desisyon ni PBBM na suspendihin ang lahat ng importasyon ng bigas.

Reaksyon ito ni Albay Rep. Rep. Raymond Adrian Salceda, Chairman ng House Special Committee on Food Security, sa naging desisyon ng pangulo na suspendihin ng dalawang buwan, simula Setyembre 1 ang importasyon ng bigas.

“Tama po na dapat walang kakumpetensiya ang saganang ani ng mga magsasaka sa tanging pagkakataon nila upang kumita at patuloy na makapagsaka. This is the season when our farmers try to recover their costs and earn enough to survive. We owe them this protection,” ani Salceda.

Kasabay nito, sinabi ng mambabatas na dapat maghanda ang bansa para sa mahabang panahon o long term kung kaya inihain niya ang House Bill No. 48, na magpapalakas sa buffer stocking function ng National Food Authority at mandato sa paggamit ng modernong storage technologies para sa preserbasyon ng bigas.

“Kung maghihigpit tayo sa importasyon, kailangang may tiwala tayong may sapat at sariwang suplay mula sa sariling ani,” dagdag nito.

Sinabi pa nito na kapag pinalakas ang sektor ng bigas ay magagawa nitong makipagkumpetensiya sa ibang bansa sa isyu ng pag-ani at pagreserba sa suplay ng bigas.

“Wala pa po tayo dyan sa ngayon, pero may mga probinsya na kaya na. Gayahin po natin ang best practices nila. Strong support for irrigation, certified seeds, mechanization, and farmer cooperatives has made the difference in those areas,” pagtatapos nito. (Vina de Guzman)