Suplay ng bigas, sapat; mahigpit na nakamonitor para pigilan na dayain ang presyo- Malakanyang
- Published on August 28, 2025
- by @peoplesbalita
NAGSASAGAWA ng hakbang ang gobyerno para panatilihing matatag ang presyo ng bigas at tiyakin na sapat ang suplay nito.
Ito’y habang naghahanda ang bansa na ipatupad ang 60-day ban sa pag-angkat ng bigas simula sa susunod na buwan.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng mahigpit na price monitoring para protektahan ang mga consumers mula sa biglaang pagtaas ng presyo sa panahon na ikakasa ang pagbabawal sa pag-angkat ng bigas.
Winika pa ni Castro na mayroong aktibong koordinasyon sa pagitan ng DA at mahahalagang stakeholders kabilang na ang mga magsasaka, millers at mga mangangalakal para pigilan ang price manipulation sa rice market.
“Ayon po sa DA, nakausap po natin, ay magkakaroon sila ng price monitoring to enforce the maximum suggested retail price,” ang sinabi pa ni Castro.
Tiniyak naman ni Castro sa publiko na mayroong sapat na suplay ng bigas.
Nagsasagawa aniya ang DA ng ‘weekly monitoring’ ng buffer stock, pinupuno sa pagsisimula ng panahon ng pag-aani.
“So, with that, nakikita po natin na tama po ang supply ng bigas sa atin mula sa local farmers, so wala pong masyadong iniisip na magiging problema ang DA patungkol sa supply ng bigas,” ayon kay Castro.
Tinuran pa ni Castro na magpapalabas ang DA ng 1.2 milyong bags, o hanggang 100,000 metric tons (MT) ng lokal na bigas sa pamamagitan ng isang auction ngayong linggo, na may floor price na inaasahan na aabot sa pagitan ng P25 at P28.
“Layunin din ng auction na paluwagin ang mga bodega para makapag-imbak pa ng karagdagang suplay ng bigas. Ibig sabihin, maganda ang ani ng ating mga magsasaka,” ang sinabi ni Castro.
Idinagdag pa ni Castro na ang isa pang 100,000 MT ng bigas ay ipalalabas para palawigin ang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” Program ng gobyerno at tulungan na patatagin ang presyo sa merkado.
Sa ulat, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) na suspendihin ang lahat ng rice importation sa loob ng 60 araw upang maprotektahan ang lokal na industriya ng palay.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, epektibo ang suspensyon ng pag-aangkat ng bigas simula September 1, 2025, alinsunod sa direktiba ng Pangulo.
Layon ng hakbang na ito na bigyang proteksyon ang mga lokal na magsasaka na kasalukuyang dumaranas ng mababang presyo ng palay ngayong anihan.
Ang desisyon ng Pangulo ay ginawa kasunod ng konsultasyon kasama ang mga myembro ng Gabinete sa sidelines ng kanyang limang araw na state visit sa India. ( Daris Jose)