• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 7:00 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sunog sa Maynila: Higit 300 pamilya nawalan ng tahanan

MAHIGIT 300 pamilya ang nawalan ng kanilang tirahan makaraang isang malaking sunog ang su­miklab sa isang residential area sa Port Area, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

 

 

Ayon sa Manila Fire Department, bandang alas-7:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa dalawang palapag ng bahay sa Block 17 Old Site, Baseco sakop ng Brgy. 649, Port Area.

 

 

Dakong alas-7:40 ng gabi nang ideklara ang unang alarma pero dahil sa pawang gawa sa light materials ang mga katabing kabahayan, uma­bot ang sunog sa ikaapat na alarma dakong alas-8:31 ng gabi.

 

 

Nagkaroon naman ng tensyon sa lugar nang isang barko na nakaparada sa gilid ng Manila Bay ang hindi makaalis dahil sa nakasadsad dulot ng low tide.

 

 

Tumulong na rin ang Philippine Coast Guard sa pag-apula sa apoy para hindi ito umabot sa barko. Alas-9:36 na ng gabi nang makontrol ng mga bumbero ang apoy at tuluyang naapula dakong alas-12:02 ng hatinggabi.

 

 

Masuwerteng walang nasaktan o nasawi sa insidente. Nagsisiksikan ngayon ang 300 pamilya sa Baseco Evacuation Center at nananawagan ngayon ng tulong sa lokal at nasyunal na pamahalaan.

 

 

Patuloy naman na na­ngangalap ng testimon­ya at ebidensya ang BFP sa pinagmulan ng apoy.