Street level drug pusher, laglag sa buy bust sa Valenzuela
- Published on May 30, 2025
- by @peoplesbalita
TIKLO ang isang lalaki na sangkot umano sa illegal drug trade matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police kay P/Col. Relly Arnedo, OIC Chief ng VCPS, nakatanggap sila ng impormasyon hingil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “To”, 36, residente sa lungsod.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga tauhan ni Capt. Dorado, agad siyang bumuo ng team bago pinangunahan ang ikinasang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong alas-11:35 ng gabi sa Brgy. Karuhatan.
Nasamsam sa suspek ang nasa 20 grams ng suspected shabu na may estimated street value na P136,000, at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 14 pirasong P500 boodle money.
Ayon kay SDEU investigator P/MSgt. Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang mga operatiba ng Valenzuela City Police Station para sa kanilang dedikasyon at matagumpay na drug operation. (Richard Mesa)