Street gangs, bawal sa Valenzuela
- Published on June 18, 2025
- by @peoplesbalita
MAGKATUWANG ang pulisya at lokal na pamahalaan para sugpuin ang mga street gangs na kumakalap ng mga estudyante sa ilang pampublikong paaralan upang mapabilang sa kanilang grupo sa Valenzuela City.
Sa ginanap na pulong-balitaan sa Dalandanan National High School sa unang araw ng pagbubukas ng klase nitong Lunes ng umaga, isa-isang inilatag ng kapulisan at lokal na pamahalaan ang kanilang mga hakbang, hindi lamang upang wakasan ang paglobo ng bilang ng mga lumalahok sa street gangs, kundi upang ipabatid din sa mga estudyante, guro at kanilang magulang ang masamang dulot ng paglahok sa naturang grupo.
Sinabi ni Mayor Wes Gatchalian na halos isang taon nilang binalangkas ang mga hakbang, katuwang ang Sangguniang Panlungsod, upang tulungan ang kapulisan na matigil ng tuluyan ang pamamayagpag ng street gangs sa kanilang lungsod.
Nauna ng binanggit ni Valenzuela Police Public Information Office (PIO) head P/Maj. Randy Llanderal ang mga street gangs na nangangalap ng mga myembro sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod, partikular sa Dalandanan National High School, kabilang na rito ang True Brown Style (TBS), Temple Street Gang (TST), Original Trouble Maker (OTM) at Little Brown Style (LBS).
Ayon kay Llanderal, ang mga nagnanais lumahok sa grupo ay isinasailalim sa matinding hazing at nilalagyan ng kani-kanilang tatak tulad ng pagpaso ng sigarilyo sa daliri bilang simbulo ng pagiging miyembro ng gang.
Bantay-sarado na aniya ang kapulisan sa aktibidad ng mga street gangs upang hindi na makapasok sa mga pampublikong paaralan habang minomonitor na rin nila ang mga estudyanteng kanilang nakalap na sumanib sa grupo.
Sa panig naman ng lokal na pamahalaan, sinabi ni Mayor WES na ipinasa na nila ang Ordinance No. 1262 na inakda ni Konsehal Ghogo Deato Lee na nagbabawal sa pagbuo ng street gangs, pagsasagawa ng aktibidad, at pangangalap ng menor-de-edad na miyembro upang gumawa ng karahasan na makakagulo sa kaayusan at katahimikan ng lungsod.
Nilagdaan na rin aniya niya ang Resolution No. 3467 na nagdedeklara bilang persona non grata ang mga nabanggit na gang at iba pang kahalintulad na grupo na nangangahulugang hindi na sila papayagang tumapak pa o masilayan pa sa Lungsod ng Valenzuela. (Richard Mesa)