Sobrang saya na pasok sa Sinag Maynila filmfest… YUKI, itinangging nagpatalbugan sila ni KELLEY sa ‘All About Her’
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
HAPPY si Yuki Sonoda na nakapasok sa Sinag Maynila Independent Film Festival (Full Length Film Category) ang pelikula nilang “All About Her.”
Aminado siyang hindi ine-expect ito, “Nagulat po talaga ako at sobrang saya ko. Napaka-fulfilling po sa pakiramdam na ang All About Her ay napili para sa Sinag Maynila Film Festival.
“Very intriguing po ang story nito, at naniniwala ako na maraming mae-engganyong manood, lalo na’t umiikot ito sa mundo ng beauty queens ang movie, isang bagay na talagang mahal na mahal ng mga Filipino.”
Isang beauty si Yuki in real life, kaya inusisa namin kung naka-relate ba siya sa kanilang pelikulang ito na hatid ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo.
Tugon niya, “May mga parts po na nakaka-relate ako, especially sa pressure at determination. Pero gusto ko pong linawin na opposite po ako kay Isabella sa totoong buhay. Wala po akong ginawang masama para manalo ng title. Mas intense at mas ambitious po talaga yung character ko compared sa tunay kong personality.”
Si Yuki ay isang Pinay-Japanese na nagtapos ng kursong International Business Law sa Tokyo. Siya ay isang model at beauty queen sa Japan, na naging Miss Universe Japan 2020 – 2nd runner up. Ang aktres/beauty queen ay naging Miss Supranational Japan naman, noong 2024.
Kasama rin sa pelikula sina Tony Labrusca, Kelley Day, Itan Rosales, Marco Gomez, Angelica Cervantes, Jim Pebanco, at iba pa.
Ito’y mula sa pamamahala ng award-winning direktor na si Joel Lamangan at sa screenplay ni Quinn Carrillo.
Nagbigay din ng ilang patikim ang aktres sa kanilang movie.
“Ang All About Her ay isang kuwento tungkol sa jealousy at ambition. Yung desire na maabot ang pangarap minsan umaabot sa punto na nasasaktan na ang mga tao sa paligid mo. Isa rin po itong kuwento ng friendship ng dalawang beauty queens at kung paano nagbabago ang relasyon nila habang hinahabol nila ang iisang pangarap.
“Ginagampanan ko po si Isabella Fuentes, isang beauty queen na sobrang determined manalo. Ang boyfriend niya ay si William Dela Cruz, na ginampanan ni Tony Labrusca, isang police officer.
“After everything Isabella went through, nanalo siya ng title. Pero marami pong nagtaka dahil ang best friend niya na si Olivia Rose, na ginampanan ni Kelley, ay isa ring strong contender at may malaking chance din na manalo. Doon po nagsisimula ang mas lalong intense na conflict sa story.”
Since, pareho silang beauty queen ni Kelley (Miss Eco International 1st Runner Up), may patalbugan ba sa shooting?
Tugon ni Yuki, “Wala pong patalbugan, naging super-close pa po kami kasi pareho kaming beauty queen, pero ibang-iba ang atake namin.
“In real life, magkaibigan po kami. Walang jealousy – we really support and lift each other up. Naging close kami lalo noong nag-shoot kami sa New Zealand. I’m very proud of everything she has achieved, and she’s also very supportive of me, even outside entertainment. Napaka-genuine po ng friendship namin ni Kelley.”
Mapapapanood sa mga piling sinehan sa Metro Manila ang Sinag Maynila Filmfest sa March 23-29, 2026.
(NONIE NICASIO)