• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sinumpong ng ‘arthritis’, 44-anyos na snatcher huli sa Malabon

ARESTADO ang 44-anyos na snatcher matapos makorner nang humahabol na mga bystander nang sumpungin umano ng ‘arthritis’ makaraang biktimahin ang isang call center agent sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

 

 

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Alfredo Medina, 44, walang trabaho ng Gonzales St., Brgy., 69, Caloocan City na nahaharap sa kasong Robbery Snatching at paglabag sa BP6 in relation to Omnibus Election Code.

 

 

Lumabas sa imbestigasyon nina Michael Oben at PSSg Jeric Tindugan, habang pauwi na ang biktimang si Julienne Padilla, 18 ng Bagumbayan South, Navotas City sakay ng pampasaherong jeep sa kahabaan ng C4 Road dakong alas-2:30 ng hapon.

 

 

Pagsapit sa kanto ng Dagat-dagatan Avenue, Brgy., Longos nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at hinablot ang gintong kuwentas ng biktima bago kumaripas ng takbo para tumakas.

 

 

Bumaba ang biktima at nagsisigaw na humingi ng tulong na nakatawag ng pansin sa mga bystander sa lugar at tumulong para habulin ang snatcher hanggang sa makorner ito makaraang manakit umano ang kanyang tuhod.

 

 

Tinurnover ang suspek sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagpapatrolya sa lugar at narekober sa kanya ni PCpl Mark Edwin Estillore ang 18k gold necklace ng biktima at isang patalim (balisong). (Richard Mesa)