Simultaneous Earthquake Drill sa mga malls sa Caloocan, Valenzuela, pinaigting
- Published on June 25, 2025
- by @peoplesbalita
PINAIGTING ng mga naglalakihang mall sa Caloocan at Valenzuela ang kanilang pangako na magkaroon ng paghahanda sa anumang sakuna sa pamamagitan ng paglahok sa kamakailang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED).
Alas-9:00 ng umaga bago ang regular na oras ng pagbubukas ng mall, sinimulan ang earthquake drill upang masiguro ang kaligtasan ng mga tenant at empleyado habang pinapanatili ang tuloy-tuloy na operasyon ng mall.
Isang malakas na alarma ang naging hudyat sa SM City Grand Central, SM Center Sangandaan, at SM City Valenzuela na nagsisimula na ang drill sa mga nasabing establisimiyento.
Alinsunod sa mga pamantayang protocol, agad namang tumalima ang mga tenant at empleyado at maayos na isinasagawa ang “duck, cover, and hold ” sakaling magkaroon ng 7.2 magnitude na lindol.
Bukod dito, sinanay din ang Emergency Response Group ng mga mall sa mga emergency exercises, gaya ng paglikas at pagsagip upang subukin ang kanilang kakayahan sa mga ganitong aspeto.
Maging ang tamang pagbibigay ng first aid at iba pang mga gawain na may kinalaman sa pagsagip ay inensayo din upang matiyak ang mabilis na aksyon at pagtugon kung may sakuna.
Nagsagawa rin ang bawat mall ng refresher training bilang paghahanda sa lindol para sa mga kawani, nangungupahan, at mga kaakibat.
Tinalakay din dito ang mga dapat gawin sa pinakamalalang scenario gaya ng mga ruta ng paglikas, at mga pangunahing teknik sa pagligtas ng buhay, na nagpapalakas ng kahandaan sa lahat ng departamento.
Ang nasabing hakbangin ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at national agencies bilang bahagi ng mas malawak na commitment ng SM para sa kaligtasa, katatagan at paghahanda sa mga di inaasahang sakuna sa bansa. (Richard Mesa)